MANILA, Philippines – Tatlo katao ang naaresto sa pagsalakay sa isang drug den sa San Francisco, Camotes Island, Cebu nitong Biyernes, Pebrero 2.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cebu Provincial Office, kasama ang mga sundalo at pulis sa drug den sa Barangay Southern Poblacion, ng nabanggit na lugar.
Naaresto sa operasyon ang target na si Joed Balicastro, 36, na namamahala rin ng drug den.
Kabilang din sa mga nahuli ay sina Salito S. del Corro, 33; Jerwel D. Loon, 46; Mark F. Tampus, 40; Gerich Maorillo Bacante, 36, at Medardo D. Estrera, 29.
Nakuha sa operasyon ang pitong pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 50 gramo at nagkakahalaga ng P340,000.
Ilang oras lamang ang nakalipas ay nadiskubre rin ng mga awtoridad ang drug den sa Barangay San Isidro, San Francisco.
Naaresto naman doon ang umano’y drug den maintainer na sina Jomar L. Estrera, 39; Roy O. Albaracin, 33, at Jitlee G. Regis, 30.
Nakuha naman sa mga ito ang 10 pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P204,000.
Idineklarang drug-cleared municipality noong Mayo 2022 ang San Francisco.
Sa kabila nito, mahigpit pa rin na minomonitor ng PDEA ang mga drug-cleared area. RNT/JGC