MANILA, Philippines – Niyanig ng magnitude 3.2 na lindol ang Abra de Ilog, Occidental Mindoro nitong Lunes ng umaga, Marso 9.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang lindol 5:59 ng umaga at ang epicenter ay naitala 11 kilometro hilagang kanluran ng Abra de Ilog.
May lalim itong 111 kilometro at tectonic in origin.
Wala namang inaasahang pinsala sa lindol.
Samantala, sinundan nito ang nangyaring magnitude 4.8 pa na lindol na tumama sa Batangas at Mindoro.
Naitala naman ang naturang lindol 12:04 ng madaling araw at ang epicenter ay nasa 18 kilometro hilagang kanluran ng Calatagan, Batangas.
May lalim itong 118 kilometro at tectonic in origin.
Naitala ang Instrumental Intensity II sa Batangas City, Cuenca, at Tagaytay City sa Batangas, maging sa Mamburao, Occidental Mindoro, at Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Intensity I naman ang naitala sa Abucay, Bataan, at Calapan City, Oriental Mindoro. RNT/JGC