Home NATIONWIDE OFW bibigyang-prayoridad sa plastic driver’s license card – LTO

OFW bibigyang-prayoridad sa plastic driver’s license card – LTO

MANILA, Philippines – Maaaring isaprayoridad ng Land Transportation Office (LTO) ang overseas Filipino workers sa pagbibigay ng plastic driver’s license cards sa kabila ng kinakaharap nitong shortage.

Sa kasalukuyan kasi, ang mga aplikante ng driver’s license ay nakatatanggap lamang ng kanilang lisensya sa papel.

Ayon kay LTO officer-in-charge Hector Villacorta, dating assistant secretary sa transportation department, mayroon na lamang natitirang 53,000 plastic cards para sa driver’s license.

“During the turnover, ini-meeting ko na yung mga division chief, sabi ko siguro dapat inuhin yung mga departing OFWs na kailangan yung totoong lisensya ang magamit nila… kung saan man sila pupunta, para naman magkatrabaho sila. Baka hindi tanggapin yung papel [abroad],” sinabi ni Villacorta sa panayam ng TeleRadyo.

Si Villacorta ang pumalit kay Jay Art Tugade na nagbitiw sa pwesto bilang LTO chief noong Mayo dahil sa umano’y pagkakaiba ng pagpapatakbo ng kanyang ahensya at ng
Department of Transportation (DOTr).

Matatandaan na nagbigay ng magkasalungat na pahayag si Tugade at si Transportation Secretary Jaime Bautista kamakailan kaugnay sa shortage sa plastic cards sa driver’s licenses.

“Ang decision namin kahapon is wala nang finger-pointing at maaaring yung sistema kasi ng procurement ay dapat pabilisin na lang. In the next 2 months, we’ll have something concrete,” pahayag ni Villacorta kaugnay sa isyu.

“Our process must go on even if there are changes in the leadership. ‘Pag nagbabago ng leadership, panibagong umpisa na naman e,” dagdag niya. RNT/JGC