Home NATIONWIDE OFW na minamaltrato, ‘di pinapakain tumakas sa amo sa Saudi

OFW na minamaltrato, ‘di pinapakain tumakas sa amo sa Saudi

1
0

SAUDI ARABIA – Tumakas mula sa kaniyang amo sa Saudi Arabia ang isang Filipina overseas worker na tubong Negros Occidental matapos umanong saktan, hindi pakainin, at ikulong.

Nasa pangangalaga na ng Philippine Embassy ang OFW na kinilalang si “Maria,” habang pinoproseso ng Department of Migrant Workers ang kaniyang mga dokumento upang makauwi sa pamilya sa Isabela, Negros Occidental.

“Pina-process na ngayon ng Department of Migrant Workers ang pagpapauwi sa kaniya sa Negros,” ani Isabela Mayor Miguel Angelo Yulo.

Batay sa impormasyong ipinarating ng embahada sa asawa ni Maria, tumakas siya dahil sa umano’y pananakit, hindi pagpapakain, at pagkulong sa kaniya ng amo.

Nakita si Maria ng isa pang OFW matapos siyang makatakas at inilabas sa social media ang kaniyang kalagayan, dahilan upang masagip siya ng Philippine Embassy.

Nagtungo si Maria sa Riyadh noong 2023 at naiwan sa Pilipinas ang kaniyang asawa at tatlong anak.

“Sa huli niyang tawag sa aking ng March, sabi niya hindi na niya kaya ang kaniyang trabaho. Umiiyak siya. Hindi na siya namin ma-contact,” ayon sa kaniyang mister.

“Sinasaktan raw siya at hindi pinapakain. Sabi niya, hindi na siya kumakain. Kinukulong raw. Umiinom na lang siya ng tubig. Sinasaktan siya. Marami nga siyang pasa sa likod,” dagdag nito.

Ayon sa Public Employment Service Office sa Isabela, stable na ang kondisyon ni Maria.

Nangako rin ng tulong sa pamilya ng OFW ang pamahalaang panlalawigan ng Negros Occidental.

“What’s important is that there is already an action by the national government to bring her back in Negros Occidental. When she is back here, we will address the situation,” ani Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here