Home HOME BANNER STORY OCTA: Lamang ni VP Sara kay Robredo sa 2028 race, lumiliit

OCTA: Lamang ni VP Sara kay Robredo sa 2028 race, lumiliit

1
0

MANILA, Philippines – Nangunguna pa rin si Vice President Sara Duterte kay Naga City Mayor at dating vice president Leni Robredo sa hypothetical one-on-one presidential race sa 2028, ngunit lumiit ang kanyang kalamangan sa ikalawang quarter ng 2026, ayon sa survey ng OCTA Research.

Sa pinakahuling Tugon ng Masa survey, 43 porsiyento ng mga adultong Pilipino ang pumili kay Duterte, habang 34 porsiyento ang pumabor kay Robredo. Samantala, 22 porsiyento ang undecided, walang pinili sa dalawa, o tumangging sumagot.

Nasa siyam na puntos ang lamang ni Duterte, mas mababa sa 11-point advantage niya noong unang quarter, nang makakuha siya ng 46 porsiyento laban sa 35 porsiyento ni Robredo.

“The tightening is worth reading carefully. At the national level, the movement on both sides is modest: Robredo’s support was essentially flat, moving from 35% to 34%, while Duterte’s declined by three points, from 46% to 43%, and the undecided/none/don’t know bloc grew from 19% to 22%,” ayon sa OCTA Research.

Sinabi ng polling firm na nasa ±4.2 percentage points ang combined margin of error sa paghahambing ng dalawang magkahiwalay na survey.

“Comparing two independent survey waves carries a combined margin of error of roughly ±4.2 points nationally, so these national shifts are directionally consistent with some softening in Duterte’s support, but on their own they are suggestive rather than statistically confirmed,” dagdag nito.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents sa buong bansa mula Hulyo 4 hanggang 11. Gumamit ito ng probability-based sampling at may ±3-percentage-point margin of error sa 95-percent confidence level.

Ayon sa OCTA, isinagawa ang survey sa gitna ng mahahalagang political, economic at environmental developments, ngunit hindi nito pinatutunayang ang mga pangyayaring ito ang dahilan ng pagbabago sa voter preference.

Tabla sina Duterte at Robredo sa National Capital Region sa tig-34 porsiyento, habang 32 porsiyento ang undecided, walang pinili, o hindi sumagot.

Nanguna si Robredo sa Balance Luzon, 51 porsiyento laban sa 27 porsiyento ni Duterte. Nanguna naman si Duterte sa Visayas, 51 porsiyento laban sa 26 porsiyento, at nagtala ng pinakamalakas na suporta sa Mindanao, 76 porsiyento kumpara sa 6 porsiyento ni Robredo.

Nanguna rin si Duterte sa Class D, 43 porsiyento laban sa 36 porsiyento, at Class E, 51 porsiyento laban sa 31 porsiyento. Sa Class ABC, nakakuha si Duterte ng 36 porsiyento, Robredo ng 27 porsiyento, habang 36 porsiyento ang undecided o walang pinili.

Batay sa edad, nanguna si Duterte sa mga respondent na 18 hanggang 24 taong gulang, 38 porsiyento laban sa 33 porsiyento, at nakakuha ng pinakamalakas na suporta sa edad 25 hanggang 34, 61 porsiyento laban sa 14 porsiyento. Nanguna rin siya sa edad 35 hanggang 44 at 45 hanggang 54.

Nanguna naman si Robredo sa mas nakatatandang respondents: 47 porsiyento laban sa 35 porsiyento sa edad 55 hanggang 64; 47 porsiyento laban sa 26 porsiyento sa edad 65 hanggang 74; at 61 porsiyento laban sa 32 porsiyento sa edad 75 pataas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here