Home NATIONWIDE OFWs na hagip ng Japan quake aayudahan ng DMW

OFWs na hagip ng Japan quake aayudahan ng DMW

MANILA, Philippines – Magpapaabot ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng magnitude-7.6 na lindol na tumama sa Central Japan noong Bagong Taon.

Inatasan ng DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac ang Migrant Workers Office sa Osaka (MWO-Osaka) na mag-alok ng kinakailangang suporta, tulad ng agarang serbisyong medikal at tulong pinansyal sa lugar, sa mga OFW na nakikipagbuno sa resulta ng sakuna na ikinasawi sa hindi bababa sa 77 katao, pagkawasak ng mga kalsada at imprastraktura.

“We are closely monitoring the situation of OFWs, especially those who are in the Ishikawa and Toyama Prefectures to guarantee their safety.

Also, we are ready to provide necessary medical and financial assistance to OFWs onsite,” sabi ni Cacdac sa public briefing nitong Huwebes.

Sa datos ng DMW, kabuuang 1,194 Filipinos ang naninirahan sa Ishikawa at Toyama Prefectures.

Karamihan sa mga OFW na ito ay nagtatrabaho sa manufacturing, welding, at carpentry sector.

Walang Pinoy na nasawi sa lindol, ngunit 35 Pinoy sa Japan ang inilikas sa kanilang mga tahanan dahil sa banta ng posibleng tsunami.

Sinabi ni Cacdac na ang DMW ay nakatanggap ng mga tawag mula sa ilang mga OFW na humihingi ng tulong.

” Halimbawa kung nasira o nagiba ang bahay o kaya ay nahinto ang trabaho o kaya kailangan ng suporta in terms of food and basic necessities, ito po ay ibibigay natin sa kanila,” ani Cacdac.

Sinabi ng DMW na ang mga nangangasiwa na organisasyon at principals ay inatasan na subaybayan ang kaligtasan ng kanilang mga naka-deploy na OFW at iulat ang kanilang kalagayan sa MWO-Osaka.

Ang mga OFW sa Japan na gustong makipag-ugnayan sa DMW ay maaaring makipag-ugnayan sa MWO-Osaka sa pamamagitan ng email: [email protected] o [email protected]. Maaari din nilang tawagan ang mga hotline number ng opisina: +81 7022756082 o +81 7024474016.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr noong Martes na ang gobyerno ng Pilipinas ay mahigpit na nakikipag-ugnayan para sa kapakanan ng mga Filipino kasunod ng malakas na lindol noong Enero 1. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)