MANILA, Philippines — Posibleng tumaas ng P1.00 hanggang P1.50 kada litro ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy nitong Biyernes, Mayo 22, batay sa ikaapat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore.
Mas mababa ito ng humigit-kumulang P1 kumpara sa unang pagtataya batay sa unang dalawang araw ng trading. Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau director Rino Abad, bumaba ang presyo ng diesel mula $163 tungong $156 kada bariles sa ikaapat na araw ng kalakalan, kaya bahagyang nabawasan ang inaasahang pagtaas.
Dagdag pa niya, maaari pang bumaba ng humigit-kumulang P0.50 ang dagdag-presyo kung mananatiling stable ang galaw ng presyo sa huling araw ng trading.
Sinabi rin ni Abad na umabot na sa 970 ang mga gasolinahang sumali sa P10-per-liter diesel subsidy program ng pamahalaan, na layong mabawasan ang epekto ng pagtatapos ng subsidized service contracting program para sa mga pampublikong sasakyan sa lansangan.
Inaasahan na tataas pa sa mahigit 1,000 ang bilang ng mga kalahok na gasolinahan sa susunod na linggo habang patuloy ang inspeksyon at pagsasanay ng ahensya sa sistema ng programa.
“Tinuturuan ho kasi doon sa system ng Land Bank ang bawat gasoline station. Kailangan lang mag-open ng Land Bank account or mag-nominate ng other account from other bank at magkaroon ng tarpaulin,” ani Abad.
Plano rin ng DOE na gawing standard platform ang naturang sistema para sa mga susunod na fuel subsidy programs, sa halip na tradisyonal na cash distribution. RNT