Home HOME BANNER STORY Ombudsman: Aset ng mga sangkot sa flood control scam, mananatiling naka-freeze

Ombudsman: Aset ng mga sangkot sa flood control scam, mananatiling naka-freeze

135
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Office of the Ombudsman na mananatiling naka-freeze ang mga asset ng mga indibidwal at may-ari ng construction firms na kinasuhan sa umano’y anomalya sa flood control projects, kahit mag-expire ang freeze orders ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) matapos ang anim na buwan.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Huwebes, Marso 26, mananatiling frozen ang mga asset hangga’t may nakabinbing asset preservation orders sa civil forfeiture proceedings ng mga kaso.

“Naka freeze pa din po ang mga assets nila sa banko. I would just like to clarify that,” pahayag ni Clavano sa press briefing.

Dagdag niya, isa sa pinakamalalaking isyu sa kasaysayan ng bansa ang flood control scam kaya mahalagang maunawaan ng publiko ang mga detalye ng kaso.

“Mahalaga po ang AMLC, at magaling ang mga tao sa AMLC. Marami na sila nabibigay na information sa atin,” aniya.

Ipinaliwanag din niya na ang AMLC ang nag-freeze ng bilyong pisong halaga ng assets at nagsampa ng civil forfeiture cases na kasalukuyang nakabinbin sa korte.

Ayon sa kanya, ang freeze orders ng AMLC ay may bisa lamang na anim na buwan, ngunit kung maayos na maihahain ang mga kaso, mananatiling protektado ang mga asset.

“We hit them where it hurts… ang pera na nakuha nila sa flood control… hindi natin makakalimutan iyon,” dagdag niya.

Ayon sa AMLC, umabot na sa P27.8 bilyon ang na-freeze na assets ng halos 900 indibidwal at 650 entities na sangkot sa naturang iskandalo. Kabilang dito ang humigit-kumulang 8,000 bank accounts, mahigit 200 real properties, at ilang sasakyan at aircraft. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here