MANILA, Philippines – Magsasagawa ng special meeting sa susunod na linggo ang inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC) para talakayin ang posibleng pagsuspinde ng excise tax sa produktong petrolyo.
Ayon sa Department of Budget Management (DBM), na siyang namumuno sa DBCC, sabay-sabay na titingnan ng mga miyembro ang magiging epekto nito sa ekonomiya at badyet ng gobyerno.
“The full fiscal implications of a potential excise tax suspension, along with corresponding policy responses, will be thoroughly evaluated by the DBCC in a special meeting scheduled next week,” ayon kay DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran.
“As always, our approach will be guided by the need to strike a prudent balance between delivering immediate relief to our people and preserving medium-term fiscal sustainability and macroeconomic stability,” dagdag niya.
Batay sa Republic Act 12316 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., maaaring suspindihin o bawasan ang excise tax sa fuel kung may rekomendasyon ng DBCC at koordinasyon ng Department of Energy (DOE).
Ito ay maaaring gawin nang hanggang tatlong buwan kung ang presyo ng Dubai crude oil ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan. Samantala, nasa humigit-kumulang $103 kada bariles ang Brent crude.
Sa bansa, sunod-sunod na ang pagtaas ng presyo ng gasolina sa loob ng 11 linggo, at 13 linggo para sa diesel at kerosene, dahil sa patuloy na tensyon sa Middle East.
Nauna nang nagdeklara si Pangulong Marcos ng state of national energy emergency at inutos ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) upang matiyak ang suplay ng enerhiya at matulungan ang iba’t ibang sektor.
Babala ng mga economic officials, posibleng tumaas pa ang inflation kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, at maaaring umabot sa double-digit levels sa worst-case scenario.
Sa ngayon, nasa 2.4% ang inflation noong Pebrero, na pinakamataas sa loob ng 13 buwan. RNT/MND