Home NATIONWIDE Ombudsman fact-finding investigation, pinaikli

Ombudsman fact-finding investigation, pinaikli

186
0

MANILA, Philippines – Pinaikli na ng Office of the Ombudsman ang panahon ng fact-finding investigation sa mga reklamong inihahain dito, mula sa dating anim na buwan hanggang isang taon, tungo sa 60 hanggang 90 araw na lamang.

Nakasaad ang bagong patakaran sa Administrative Order No. 1, Series of 2026 o “Revised Rules of Procedure of the Office of the Ombudsman,” na inilathala sa mga pahayagan, kabilang ang Manila Bulletin, noong Pebrero 11.

Ayon sa kautusan, dapat matapos sa loob ng 60 araw ang imbestigasyon sa mga simpleng kaso, habang 90 araw naman para sa mga komplikadong kaso.

“Unless otherwise provided, simple cases shall undergo an investigation period not to exceed 60 days, while complex cases shall undergo an investigation period not to exceed 90 days,” ayon sa order.

Batay sa patakaran, tutukuyin ang pagiging komplikado ng kaso ayon sa bilang ng mga respondent, dami ng kaso, bolyum ng dokumento, saklaw ng lugar, at halaga ng pondong pampubliko na sangkot.

Magsisimula ang panahon ng imbestigasyon sa pagtanggap ng aprubadong investigation plan at magtatapos sa pagsusumite ng ulat ng imbestigador.

Binigyang-diin din ng Ombudsman na dapat may “prima facie evidence with reasonable certainty of conviction” bago isampa ang anumang kaso sa korte.

“The quantum of evidence is met when the prosecutor is convinced that the entirety of evidence presented by the parties is (a) admissible, (b) credible, and (c) capable of being preserved and presented,” ayon sa kautusan.

Dagdag pa rito, kabilang sa reasonable certainty of conviction ang pagsusuri sa ebidensiyang isinumite ng mga respondent sa pamamagitan ng kanilang counter-affidavit. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here