Home NATIONWIDE Ombudsman: Kustodiya kay Guo ‘di pwedeng ipilit ng Senado

Ombudsman: Kustodiya kay Guo ‘di pwedeng ipilit ng Senado

MANILA, Philippines – Hindi maaring ipilit ng Senado na kunin sa kanilang kustodiya si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ipinaliwanag ni Ombudsman Samuel Martires na ang arrest warrant na inisyu ng Tarlac RTC laban kay Guo ay maituturing na mas mataas kumpara sa inilabas ng mga mambabatas.

Dahil dito pinayuhan ni Martires ang Senado na maghain na lamang ng kahilingan sa Capas RTC branch 109 na ipadala sa Senado si Alice Guo sa sandaling kailanganin sa pagdinig kaugnay sa imbestigasyon sa iligal na POGO operation.

Si Guo ay ipinaaresto ng Capas, Tarlac RTC Branch 109 bunsod ng kinakaharap na kasong graft. Iniutos ng korte na maisailalim sa kustodiya ng PNP si Guo.

Ang arrest warrant na inilabas naman ng Senado ay bunsod ng patuloy na pag-isnub ng dating alkalde sa pagdinig ng Senate panel.

Una nang iginiit ni Senator Francis Tolentino na hindi umano balido ang arrest warrant ng Tarlac RTC ay nasa kustodiya dapat ng Senado si Guo.

Sinabi ni Tolentino na ang pinakamalapit na judicial region sa Tarlac ay sa Urdaneta, Pangasinan o sa Valenzuela City.

Samantala, sinabi ni Senator Risa Hontiveros na makikipag-ugnayan ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms sa PNP para mailipat si Guo sa kustodiya ng Senado. Teresa Tavares