Home NATIONWIDE Ombudsman: Mga ari-ariang wala sa SALN ni Romualdez, bubusisiin

Ombudsman: Mga ari-ariang wala sa SALN ni Romualdez, bubusisiin

1
0

MANILA, Philippines — Sinisilip ng Office of the Ombudsman ang umano’y mga mansyon at shareholdings na nakuha ni dating House Speaker Martin Romualdez at hindi umano nakita sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ito ay kaugnay sa mas malawak na imbestigasyon sa sinasabing bilyon-bilyong pisong kickbacks mula sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa panayam sa isang radio interview nitong Martes, Setyembre 8, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na batay sa kanilang imbestigasyon, umaabot umano sa P56 bilyon hanggang P57 bilyon ang serye ng mga transaksyong kinasangkutan ni Romualdez mula 2022 hanggang 2025.

Sinabi ng Ombudsman na dahil sa laki ng perang umano’y natanggap, bahagi nito ay na-convert sa iba’t ibang assets.

“Sobrang daming mansion, sobrang daming shareholdings ang nabili niya… into actual asset na hindi naman namin nakita sa SALN niya,” pahayag ni Clavano sa nasabing panayam.

Ayon pa sa anti-graft body, may hindi bababa sa 15 umano’y deliveries ng pera mula sa mga tauhan ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co patungo sa personnel ni Romualdez sa iba’t ibang bahay mula Setyembre 2022 hanggang 2025.

Sinabi rin ng Ombudsman na halos P5 bilyon sa sinasabing kickback money ang ginamit sa pagtatayo o paggamit ng dummy companies kung saan umano’y inilipat ang pera at ginamit sa pagbili ng mga ari-arian at iba pang assets.

Hiwalay ang mas malawak na P56-bilyong alleged ill-gotten wealth na tinukoy sa imbestigasyon sa P7.44-bilyong plunder charge na pormal nang isinampa laban kina Romualdez, Co at dalawa pang akusado sa Sandiganbayan. Sa information na inihain sa korte, inaakusahan silang tumanggap umano ng commissions, kickbacks at iba pang benepisyo sa hindi bababa sa 15 pagkakataon.

Mariing itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon. Sinabi ng kanyang abogado na haharapin nito ang kaso alinsunod sa batas at iginiit na ang criminal liability ay dapat matukoy batay sa ebidensyang ihaharap sa korte at sa ilalim ng due process.

Naglabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division laban kay Romualdez at sa kanyang mga kapwa akusado kaugnay ng plunder case. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here