MANILA, Philippines — Hindi na ihaharap ng House prosecution panel ang natitirang 15 witnesses kaugnay ng alegasyon ng maling paggamit ni Vice President Sara Duterte ng confidential funds sa nagpapatuloy na impeachment trial sa Senado.
Inihayag ito ni private prosecutor Lorna Kapunan nitong Martes, Setyembre 8, sa Senate impeachment court.
“We have decided to forego, your honors, not only with the witnesses subpoenaed for today but with all the remaining 15 witnesses,” ani Kapunan.
Ayon sa prosecution, sapat na umano ang naipresentang ebidensya at testimonya upang maipakita ang kanilang kaso sa ilalim ng Article I, na tumutukoy sa umano’y misuse ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Isang araw bago nito, tumestigo ang Philippine Statistics Authority na may ilang pangalan sa acknowledgment receipts ng confidential funds na tumutugma sa records ng mga namatay at menor de edad. Gayunman, nilinaw ng PSA witness na hindi niya matitiyak kung ang mga pangalan sa receipts ay tumutukoy o hindi sa tunay at umiiral na mga indibidwal.
Iginiit naman ng defense team ni Duterte na aliases ang mga pangalang ginamit sa acknowledgment receipts at sinabi nitong ipaliliwanag ang naturang usapin sa kanilang presentation of evidence.
Nauna na ring hindi itinuloy ng prosecution ang pagharap sa ilang iba pang witnesses, kabilang ang ilang security officers, matapos nitong sabihing sapat na ang mga naunang testimonya para suportahan ang kanilang alegasyon.
Magpapatuloy ang impeachment court sa pagdinig sa iba pang ebidensya at artikulo ng impeachment laban sa Bise Presidente. RNT