Home HOME BANNER STORY Ombudsman, nagsampa ng P7.4B plunder case vs Romualdez

Ombudsman, nagsampa ng P7.4B plunder case vs Romualdez

1
0

MANILA, Philippines – Nagsampa ang Office of the Ombudsman nitong Lunes ng P7.4-bilyong plunder case laban kay dating House Speaker at incumbent Leyte 1st District Representative Martin Romualdez at tatlo pang iba dahil sa umano’y kickback scheme sa mga flood control project.

Kasama sa mga respondent sina dating House appropriations panel chairperson Zaldy Co ng Ako Bicol party-list, Joselyn Tragua Serenio na personal assistant ni Romualdez, at Felicito Cristobal Guevarra, president ng Samchan Foreign Exchange Corporation.

Isinampa ni Assistant Ombudsman ang kaso sa Sandiganbayan noong tanghali.

“Kaka-receive lang po ng Sandiganbayan ang kasong finile namin,” sabi ni Clavano. Dagdag niya, idi-docket ang kaso at isasailalim sa raffle. Walang inirekomendang piyansa, ayon sa judicial records ng Sandiganbayan.

Bago ang pagsasampa ng kaso, nanawagan ang kampo ni Romualdez ng fairness at due process. Hiniling ng kanyang abogado na si Atty. Ade Fajardo na ipaalam sa kanila kung may bagong alegasyon si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan laban kay Romualdez at mabigyan sila ng sapat na oras para tumugon.

Hiniling din nila ang impormasyon tungkol sa 28 bagong testigo ng Ombudsman, kabilang ang anumang pahayag ng mga ito laban sa dating speaker.

Unang naiuugnay si Romualdez sa umano’y anomalya sa flood control projects noong Setyembre 2025 matapos pangalanan ng mga contractor na sina Curlee at Sarah Discaya ang ilang kongresista na umano’y humingi ng kickback. Mariing itinanggi ni Romualdez ang mga paratang.

”Let me be clear: Wala akong kinalaman, wala akong pahintulot, at wala akong basbas sa mga ganyang gawain,” pahayag niya.

Dagdag pa niya, ”Congress debates and approves the budget. It does not release funds. It does not implement projects. That is the sole duty of the Executive and agencies like the DPWH (Department of Public Works and Highways),”

Itinanggi rin ni Romualdez na nakilala o nakatransaksyon niya ang mga Discaya, pati ang alegasyong ginamit niya ang mga ito bilang “front” sa pagbili ng high-end property sa Makati.

Noong Setyembre 2025, sinabi naman ni Orly Guteza, dating security consultant ni Zaldy Co, na naghatid siya umano ng mga maleta ng pera sa mga tirahan nina Co at Romualdez. Kalaunan, binawi ni Guteza ang kanyang pahayag at sinabi sa bagong affidavit na sina Senator Rodante Marcoleta at dating kongresista Mike Defensor ang umano’y nag-utos sa kanya na gumawa ng mga akusasyon laban kay Romualdez kapalit ng pera at scholarship para sa kanyang mga anak.

Noong Pebrero 2026, 18 dating security personnel ni Co ang lumutang at nagbigay ng affidavits na nag-uugnay kina President Ferdinand Marcos Jr., Romualdez, Co at iba pang personalidad sa umano’y paghahatid ng mga maleta ng pera. Apat sa kanila ang kalaunan ay bumawi sa kanilang mga pahayag.

Noong Hulyo 20, inanunsyo ng Ombudsman na magsasagawa ito ng preliminary investigation para sa plunder at paglabag sa Anti-Money Laundering Act laban kay Romualdez. Sinabi rin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na malapit nang matapos ang fact-finding investigation.

Sa kabila ng pagbawi ni Guteza, sinabi ng Ombudsman nitong Agosto na mayroon pa itong 28 testigong may mahalagang impormasyon tungkol sa umano’y kaugnayan ni Romualdez sa flood control controversy. Iginiit naman ng kampo ni Romualdez na wala silang nakikitang credible witness laban sa kanya.

Noong Setyembre 1, sinabi ng kampo ni Romualdez na tila “prejudged” na siya ng Ombudsman bilang mastermind ng flood control mess bago pa matapos ang imbestigasyon.

“Hindi namin maintindihan kung bakit ganu’n na lamang ang attention na binibigay nila, ang panggigipit nila kay Rep. Romualdez. Eh wala na namang credible na ebidensiya,” ani Fajardo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here