MANILA, Philippines – Pinabilis ng Department of Education (DepEd) ang hiring ng mga school counselor upang matugunan ang tumataas na kaso ng bullying sa mga paaralan, ayon kay Education Secretary Sonny Angara nitong Lunes.
Sa congressional budget hearing, sinabi ni Angara na pinaikli ng DepEd sa 30 araw mula sa halos apat na buwan ang proseso ng pagkuha ng school counselor associates.
“We shortened the time for the hiring of school counselor associates,” pahayag niya sa mga mambabatas.
Ang mga school counselor ay tumutulong sa pangangalaga ng mental health ng mga estudyante. Kailangang may degree sila sa psychology o kaugnay na kurso at hindi bababa sa 200 oras na karanasan.
Sinabi rin ni Angara na sasanayin ang mga guro kung paano haharapin ang bullying at palalakasin ang child protection mechanisms ng DepEd.
“We will train the teachers on how to deal with problems like this,” aniya.
Ayon kay Angara, palalakasin din ng DepEd ang ugnayan ng mga magulang at anak dahil “the origins of bullying are quite complex and many have origins in the household.”
Batay sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 43 porsiyento ng mga babaeng estudyante at 53 porsiyento ng mga lalaking estudyante sa Pilipinas ang nagsabing nakaranas sila ng bullying nang ilang beses bawat buwan. Isa sa bawat tatlong estudyanteng Pilipino ang nakaranas nito kahit isang beses kada linggo.
Sa 7,193 estudyanteng mula sa 188 paaralan na lumahok sa pagsusuri, 28 porsiyento ang nagsabing pinagtawanan sila ng ibang estudyante, habang 19 porsiyento naman ang nakaranas ng pagbabanta. RNT/MDS