Home OPINION ‘ONE-TIME WAIVER’ SA INTERES SA HINDI NABAYARANG PHILHEALTH PREMIUM INIUTOS NI PBBM

‘ONE-TIME WAIVER’ SA INTERES SA HINDI NABAYARANG PHILHEALTH PREMIUM INIUTOS NI PBBM

210
0

PINURI ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na ipatupad ang isang one-time waiver program para sa mga naipong interes mula sa hindi nabayarang premium contributions. Layunin ng hakbang na ito na tulungan ang mga employer, self-employed, at iba pang miyembro na makabayad ng kanilang matagal na utang sa National Health Insurance Program at maibalik ang kanilang magandang standing sa ahensya.

Ayon sa PHILHEALTH, naka­tuon ang waiver sa interes lamang at hindi sumasaklaw sa mismong hindi nabayarang premium. Ito ay partikular na makakatulong sa mga emplo­yer at self-employed na lumaki ang kanilang obligasyon dahil sa compounded interest, habang tinitiyak na tuloy-tuloy ang benepisyo para sa kanilang mga empleyado at miyembro.

Bilang dagdag na tulong, magbibigay ang PHILHEALTH ng isang taong window mula sa petsa ng bisa ng Circular upang ma-settle ang outstanding premium contributions.

Ang mga employer na makakabayad nang mas maaga sa itinakdang panahon ay maaaring makakuha ng mas malaking bawas sa interes, kabilang ang partial o full waiver, depende sa haba ng panahon ng pagbabayad.

Para sa sektor ng employed, malapit nang ilabas ang mga guidelines kung paano ma-avail ang waiver.

Samantala, ang detalyadong mekaniks para sa self-employed ay pinapinal at ilalabas nang hiwalay upang matiyak ang ma­ayos na implementasyon.

Bilang bahagi ng safeguards ng programa, ang mga emplo­yer na gagamit ng one-time wai­ver ay kinakailangang irehistro ang kanilang mga empleyado sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) at tiyaking nakumpleto ang First Patient Encounter (FPE). Layunin nito na hindi lamang mabawi ang naiwang kontribusyon, kundi maikonekta rin ang mga manggagawa at kanilang pamilya sa pangunahing serbisyong pangkalusugan.

Hinihikayat ng PHILHEALTH ang lahat ng eligible na employer at miyembro na samantalahin ang limitadong pagkakataong ito, at pinapayuhan ang publiko na maghintay ng opisyal na anunsyo para sa karagdagang detalye sa iskedyul at opsyon sa pagbabayad, lalo na para sa self-employed sector.

Para sa tumpak na impormasyon at updates, pinapayuhan ang publiko na sundan ang opisyal na channels ng PHILHEALTH.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here