HINDI karaniwang eksena ang isang Pangulo na humihiling sa mga mambabatas na huwag maghain ng impeachment pero ang mas hindi karaniwan ay ang harap-harapang hindi pakinggan o sundin ang utos.
Nang sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil ang anomang hakbang laban kay Bise Presidente Sara Duterte o huwag na magsampa ng impeachment complaint laban sa bise president, inaasahan ng marami na susunod ang Mababang Kapulungan.
Pero tila hindi mangyayari ang hiling ng Pangulo o tila kabaligtaran ang mangyayari sapagkat parang tuloy ang balak na paghahain. Sa puntong ito, hindi na simpleng pulitika ang usapin subalit ito’y malinaw na salamin ng mahina at problemadong pamumuno.
Kaya naman marami ang nagtatanong kung palabas lang ba ang pahayag ni Pangulong Bongbong o talagang binabalewala na siya ng Kongreso? Sa alinmang sagot, pareho ang bagsak. Kung palabas ito, malinaw na niloloko ang taumbayan ng administrasyong nagpapakitang may kontrol pero sa likod ay hinahayaan ang sariling kaalyado na maghasik ng gulo.
Kung tunay namang pagsuway, mas nakakabahala dahil nangangahulugan itong ang salita ng Pangulo ay wala nang bigat sa mga mambabatas o walang bisa.
Ang Kongreso, lalo na ang Mababang Kapulungan, ay matagal nang itinuturing na extension ng Malacañang. Kontrolado ng pondo, impluwensiya, at kapangyarihan ng administrasyon ang galaw nito. Kaya kung may hayagang pagkontra sa kagustuhan ng Pangulo, hindi ito simpleng “independence.” Isa itong patunay na ang liderato ni Marcos ay hindi kayang magpatupad ng disiplina kahit sa sariling hanay.
Mas masakit ang implikasyon nito sa usaping impeachment. Ang proseso ay hindi biro at ito’y mitsa ng krisis pampulitika na kayang makapagpabagsak ng tiwala ng mamumuhunan, magpahina ng pamahalaan, at magpalalim ng pagkakahati ng mamamayan.
Kung mismong Pangulo ang nagsasabing ayaw niya na maisampa ang impeachment laban kay Inday Sara ngunit nagpapatuloy pa rin ang Kongreso, malinaw na may mas malakas na pwersang gumagalaw kaysa kay PBBM.
Ang ganitong eksena ay naglalantad ng isang lider na tila nakikiusap imbes na namumuno. Sa halip na malinaw na direksyon, ang nakikita ng publiko ay pag-aatubili, kompromiso, at kawalan ng paninindigan. Ang hindi pagsunod o pagiging matigas ng ulo ng mga mambabatas ay hindi aksidente ngunit resulta ito ng isang pamumunong pumapayag na tapakan ang sarili nitong utos.
Sa huli, hindi na mahalaga kung ituloy man o hindi ang impeachment. Pero lumilitaw na ang mas mabigat na usapin “Kung hindi kayang sundin ng Kongreso ang Pangulo, paano aasahan ng taumbayan na kayang pamunuan ni Marcos ang isang bansang puno ng krisis?
Ang ganitong kahinaan sa liderato ang tunay na banta hindi lamang sa administrasyon kundi sa mismong kredibilidad ng pamahalaan.






