Home NATIONWIDE PBBM, magpapasya agad sa rekomendasyong tapyas-excise tax sa gas

PBBM, magpapasya agad sa rekomendasyong tapyas-excise tax sa gas

2
0

MANILA, Philippines – Inaasahang agad na magpapasya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa posibleng pagbabawas o pansamantalang suspensyon ng fuel excise taxes matapos isumite sa kanya ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang rekomendasyon nito.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, natapos na ng DBCC ang pag-aaral at naisumite kay Marcos nitong Martes ang rekomendasyon hinggil sa posibleng tax relief.

“Sa ngayon po ay tapos na po ang pag-aaral. May rekomendasyon na po na ibinigay sa Pangulo. So, magkakaroon po ito ng pagpapasya nang mas mabilisan,” ani Castro.

Tumanggi naman ang Palace official na ibunyag ang detalye ng rekomendasyon at sinabing hintayin na lamang ang magiging desisyon at pormal na anunsyo ng Pangulo.

Isinasaalang-alang ang posibleng pagbabawas o suspensyon ng excise tax sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at epekto nito sa mga consumer at ekonomiya.

Nauna nang sertipikahan ng Department of Energy (DOE) na umabot sa average na $99.41 kada bariles ang Dubai crude mula Agosto 13 hanggang Setyembre 11, lampas sa $80-per-barrel threshold na itinakda sa Republic Act No. 12316.

Sa ilalim ng RA 12316, maaaring bawasan o suspendihin ng Pangulo ang excise taxes sa mga saklaw na petroleum products, batay sa rekomendasyon ng DBCC at koordinasyon sa Energy Secretary, kapag umabot o lumampas sa $80 kada bariles ang one-month average Dubai crude price.

Maaaring ipatupad ang naturang tax relief nang hanggang tatlong buwan sa bawat pagkakataon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here