Home NATIONWIDE P58.53-B LGSF, ‘di ‘presidential pork barrel’ – Castro

P58.53-B LGSF, ‘di ‘presidential pork barrel’ – Castro

1
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang ang alegasyon ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na maituturing na “presidential pork barrel” ang panukalang P58.53-bilyong Local Government Support Fund (LGSF) sa 2027 national budget.

Tinawag ni Palace Press Officer Claire Castro na “intriga” ang alegasyon at sinabing karapatan ni Erice na kuwestiyunin sa korte ang pondo, ngunit dapat umano itong suportado ng sapat na legal na batayan.

“Karapatan niyang tumakbo kahit saang korte pero dapat siguraduhin lamang po niya na mayroong basehan,” ani Castro.

Nauna nang sinabi ni Erice na plano niyang dumulog sa Supreme Court kapag naisabatas ang 2027 General Appropriations Act upang kuwestiyunin ang constitutionality ng LGSF. Para sa kongresista, masyado umanong malawak ang discretion ng Pangulo sa pagpili ng mga LGU na makatatanggap ng pondo.

Binanggit din ni Erice bilang halimbawa ang P500 milyong LGSF allocation para sa Naga City, bagaman nilinaw niyang hindi niya kinukuwestiyon ang mismong paglalaan ng pondo sa lungsod.

Tinukoy naman ni Castro ang paliwanag ni Naga City Mayor Leni Robredo na nag-apply ang lokal na pamahalaan para sa LGSF upang pondohan ang isang rehabilitation project matapos siyang payuhan ni Sen. Kiko Pangilinan na maaaring kumuha ng pondo mula rito.

Iginiit din ng Palasyo na hindi ipinagbabawal ng Supreme Court ang LGSF.

Sa Belgica v. Executive Secretary noong 2019, pinagtibay ng Korte Suprema ang constitutionality ng LGSF provision sa 2014 national budget, matapos nitong sabihing mayroon itong sapat na standards na naglilimita sa executive discretion at malinaw na layuning magbigay ng financial assistance sa mga LGU.

Gayunman, ang anumang magiging hamon ni Erice sa 2027 LGSF ay nakasalalay sa aktuwal na provisions at implementing guidelines ng naturang budget, na maaari pa niyang iharap sa Korte Suprema kapag naisabatas na ito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here