MANILA, Philippines – Hindi praktikal ang paglipat sa online classes sa mga pampublikong paaralan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng sigalot sa Middle East, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.
Sa isang press conference nitong Martes, sinabi ni Gatchalian, na vice chairperson ng Senate committees on basic education at energy, na naranasan na ng bansa ang learning losses noong panahon ng COVID-19 pandemic nang ipatupad ang online learning.
“I would not encourage online learning for public schools because ang experience natin sa pandemic, ang bata uurong talaga ang kanilang pag-aral dahil wala silang access sa internet, wala silang computers. So, mahirapan sila mag-aaral,” ani Gatchalian.
“For public schools, hindi ko sinasangayunan na mag-online tayo kasi experience natin sa pandemic, hindi maganda,” dagdag pa niya.
Gayunman, sinabi ng senador na maaaring maging epektibo ang online classes sa mga pribadong paaralan, dahil mas may kakayahan ang kanilang mga estudyante sa teknolohiya at transportasyon.
“Ang mga private schools, karamihan ng mga anak nila nagsasasakyan. May sarili silang mga sasakyan. Kaya kung mag-online sila, makakatulong rin yan sa pagbawas ng konsumo ng petrolyo,” aniya.
Gayunpaman, iginiit ni Gatchalian na face-to-face classes pa rin ang pinakamainam na paraan ng pagkatuto sa basic education.
Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na simula Marso 9, 2026, pansamantalang ipatutupad ang four-day workweek sa mga tanggapan sa ilalim ng executive branch.
Naglabas din ang Malacañang ng Memorandum Circular 114 na nag-uutos ng mahigpit na energy conservation measures upang mabawasan ang energy footprint ng operasyon ng pamahalaan at mapahusay ang paggamit ng mga pampublikong yaman. RNT