MANILA, Philippines – Kasado na ang online registration assistance system o ORAS ng Philippine Ports Authority (PPA) para sa babiyahe ngayong Semana Santa 2026.
Binuo ng Philippine Ports Authority (PPA) ang ORAS para sa layuning mapabilis at mas maging maayos ang pagbili ng ticket ng mga walk-in passenger sa pantalan sa tulong ng tatlong simpleng paraan: ang SCAN, CHOOSE, at RESERVE.
Kabilang sa mga rutang sakop ng initial implementation ng ORAS ang mga sumusunod:
• Mula Balanacan Port patungong Lucena Port
• Mula Batangas Port patungong Port of Abra de Ilog; Calapan; Caticlan; Coron/El Nido, Palawan; Odiongan; Puerto Galera; Romblon/Sibuyan/Roxas City, Capiz
• Mula Calapan Port patungong Batangas Port
• Mula Lucena Port patungong Port of Balanacan; Masbate; Romblon
Sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa ORAS, makakatanggap ang bawat isang pasahero ng ORAS pass na mayroong code na ipapakita sa validation area upang mas mabilis na makapasok sa pantalan at makabili ng kanilang ticket sa barko.
May mga help desk naman para sa mga walk-in passengers o sa mga senior citizen, person with disability (PWD) na tutulong upang makapagpa-register sa ORAS kung darating sila sa pantalan na hindi pa nakakakuha nito.
Mag-e-expire ang ORAS pass, tatlong (3) oras bago ang napiling schedule ng barko kaya naman pinapayuhan ang mga pasahero na maglaan ng sapat na panahon para magpunta sa pantalan.
Nilinaw ng PPA na hindi ipatutupad ang ORAS sa mga pantalan kung saan ang mga pasahero ay dumarating na may hawak nang ticket. Hindi rin ito ipatutupad sa mga pantalan na may mga ticketing booth na matatagpuan sa labas ng port area.
Para naman sa mga may dalang sasakyan, hindi na kailangang mag-fill out sa ORAS form dahil dadaan sila sa normal na proseso ng pagpila ng sasakyan papasok ng pantalan.
Pangunahing layunin ng ORAS na i-regulate ang daloy ng mga pasahero at mabawasan ang pagsisiksikan sa mga pantalan sa pamamagitan ng pagbibigay sa publiko ng sistema sa pagkuha ng ticket at iskedyul ng biyahe ng barko.
Matatandaang inilunsad ng PPA ang ORAS noong Marso 24, 2026 bilang bahagi ng digitalization efforts ng ahensya upang tugunan ang matagal nang suliranin sa pila ng mga pasahero sa pagbili ng ticket ng barko, kakulangan ng impormasyon sa biyahe, at congestion sa ilang pantalan tuwing peak season.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PPA sa mga shipping lines at mga katuwang na ahensya upang matiyak ang maayos na implementasyon ng ORAS.
Inaasahan ng PPA na sa pamamagitan ng pagpapalawak ng ORAS, mas magiging mabilis, maayos, at komportable ang karanasan ng mga pasahero sa paglalakbay sa mga pantalan sa buong Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden