MANILA, Philippines – Ititigil ng GCash ang access sa gaming sa pamamagitan ng GLife sa Sabado, Agosto 16, 2025, alas-8 ng gabi, alinsunod sa Memorandum No. M-2025-029 ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Inabisuhan ng GCash ang kanilang customer na i-withdraw ang kanilang pondo mula gaming account papuntang GCash wallet hanggang sa itinakdang oras; pagkatapos nito, sa mismong gaming merchant website na lamang ito maa-access.
Iniutos ng BSP sa mga e-wallet na alisin ang icons at links patungong gambling platforms sa loob ng 48 oras at tuluyang idiskonekta ito pagsapit ng Linggo. Ayon kay BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, layon ng polisiya na higpitan ang seguridad laban sa ilegal na online gambling.
Sinabi ng GCash na sinusuportahan nito ang direktiba ng BSP at mananatiling nakatuon sa ligtas at responsableng digital na kapaligiran, habang nakikipagtulungan sa mga regulator para sa kapakanan ng mga Pilipino. RNT