MANILA, Philippines – Inatake ng ransomware ang mga online system ng Department of Migrant Workers (DMW) dahilan para mag-offline ito nitong Martes.
“The Department through its Management Information Technology System had to take pre-emptive measures to protect OFW data and information, such as taking the systems offline,” ayon sa DMW.
“While efforts to restore online systems are ongoing, electronic or online systems that issue OECs/OFW (Overseas Employment Certificate) Passes and OFW information sheets and other online services may not be used temporarily,” dagdag pa nito.
Sa kabilang banda, sinabi ng DMW na ang pag-atake ay hindi nakaapekto sa mga database na naglalaman ng data ng mga OFW.
Nakikipagtulungan ngayon ang DMW sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para ibalik ang mga online system at protektahan ang data ng mga OFW.
Ang mga sumusunod na sistema at proseso ay naisaaktibo upang makapaghatid ng mga serbisyo sa mga OFW:
1. Para sa mga OFW na kumukuha ng OEC/OFW Pass, maaari silang pumunta sa DMW National Office, Regional Offices at extensions, One-stop Shops, at Migrant Workers Assistance Centers para sa manu-manong pagproseso ng kanilang OECs/OFW Pass.
2. Para sa mga OFW na nagse-secure ng kanilang mga information sheet, hindi nila kailangang pumunta sa alinmang opisina ng DMW. Maaari nilang ipadala ang kanilang kahilingan para sa mga information sheet sa [email protected] at direktang ipapadala ng DMW ang kanilang QR-coded information sheet sa humihiling na manggagawa. Maaaring ipadala ng mga OFW ang kanilang mga kahilingan sa pamamagitan ng DMW Facebook page messenger (https://web.facebook.com/dmw.gov.ph).
Tutulungan ng Bureau of Immigration (BI) at airport authorities ang DMW para sa maayos na pag-alis ng mga OFW.
“Ang DMW ay humihingi ng paumanhin para sa mga abala sa mga OFW at miyembro ng kanilang mga pamilya at ginagawa ang lahat ng pagsisikap na ipagpatuloy ang paglilingkod sa mga OFW habang nagpapatupad ng mas malakas na mga hakbang upang maprotektahan ang kanilang impormasyon,” sabi ng kagawaran. RNT