Home NATIONWIDE OP budget briefing, tinapos ng wala pang isang oras

OP budget briefing, tinapos ng wala pang isang oras

2
0

MANILA, Philippines — Tinapos sa loob ng wala pang isang oras ang budget briefing ng House committee on appropriations para sa panukalang 2027 budget ng Office of the President (OP) bilang parliamentary courtesy, sa kabila ng pagtutol ng ilang mambabatas mula sa minorya.

Iniharap ni Executive Secretary Ralph Recto ang panukalang budget na P10.156 bilyon, na aniya’y 64% mas mababa kaysa sa budget ng OP ngayong taon.

“The substantial reduction reflects the lower operational requirements of our units and completion of our activities related to the hosting of the Asean [Association of Southeast Asian Nations] meeting for which no additional funding will be required next year,” ani Recto.

Sinabi rin niyang sapat ang hinihinging pondo upang tugunan ng panguluhan ang mga hamon tulad ng geopolitical tensions, kaguluhan sa Middle East, bagyo, El Niño at iba pang kalamidad.

Matapos ang presentasyon, naghain si Minority Leader Marcelino Libanan ng mosyon na tapusin ang interpellation bilang parliamentary courtesy, na sinuportahan ni Rep. Ferdinand Hernandez.

Tumanggi naman si Rep. Antonio Tinio, na nanawagang alisin ang parliamentary courtesy sa budget briefings upang mapanatili ang transparency at accountability.

“Ang gusto ng taumbayan ay transparency. Kailangang patas. Dapat patas ang Kongresong ito sa application ng prinsipyo ng transparency. Lakas makademand ng Kongresong ito ng transparency para sa Office of the Vice President. Dapat ganoon din para sa Office of the President,” ani Tinio.

Iginiit niyang mahalaga ang interpellation, lalo na’t nasasangkot umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ilang opisyal ng Gabinete sa mga anomalya sa flood control. Hiniling din niyang ipaliwanag ng OP kung bakit halos kalahati ng panukalang budget nito ay para sa confidential at intelligence funds.

“The people want answers direct from the Office of the President. Yun ang gusto nating marinig at ito ang pagkakataon para direktang marinig ang kanilang mga sagot kung kaya again, tayo po ay tumututol sa motion para mag extend ng parliamentary courtesy,” dagdag ni Tinio.

Sa botohan, 37 miyembro ang pabor sa parliamentary courtesy, habang lima mula sa minorya ang tumutol. Ipinaliwanag nina Reps. Renee Co, Elijah Fernando, Sarah Elago, Iris Montes at Tinio ang kanilang pagtutol at iginiit na dapat masusing suriin ang budget ng OP.

Tinapos ni Rep. Albert Garcia, senior vice chairperson ng komite, ang pagdinig at sinabing sasagutin ang mga tanong tungkol sa budget ng OP at iba pang usapin bago o sa panahon ng plenary session. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here