Home NATIONWIDE Operasyon kontra baha sinimulan na ng MMDA

Operasyon kontra baha sinimulan na ng MMDA

31
0

MANILA, Philippines — Pinasimulan na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pinalakas na paghahanda laban sa pagbaha bago pa man ang tag-ulan, kabilang ang declogging ng mga daluyan ng tubig, desilting ng mga ilog, at inspeksyon sa mga pumping station.

Sa isang forum, sinabi ni MMDA General Manager Nicolas Torre III na nagsimula na ang paghahanda ilang buwan na ang nakalipas, ngunit ipinakita ng mga unang pag-ulan na kailangan pa ng mga karagdagang adjustment dahil may mga lugar na muling binaha.

“Yung paghahanda natin sa rainy season na ito, nagsimula, months back pa. Pero based on the first rains ay talagang marami pa kami gagawin pa na mga adjustments kasi based on the first rains may mga binaha uli na mga lugar,” pahayag ni Torre.

Ayon sa MMDA, malaking ambag sa pagbaha ang basura, kung saan umaabot sa humigit-kumulang 7,000 tonelada ng basura ang nahahakot taun-taon mula sa mga waterways, at 5,000 tonelada naman mula sa pumping stations.

Pinalalakas ng ahensya ang declogging operations at naglalagay ng garbage traps sa mga daluyan at pumping station upang maiwasan ang pagkasira ng mga kagamitan dahil sa debris. Plano rin ng MMDA na gawing charcoal briquettes ang mga water lily mula sa Laguna de Bay na bumabara sa mga ilog gaya ng Pasig River.

Ibinunyag din ni Torre ang ilang reklamo laban sa mga pribadong concessionaires na umano’y hindi maayos ang wastewater discharge, kung saan ang tubig ay direktang napupunta sa kalsada imbes na sa tamang waterways, na nagdudulot ng pagbaha.

“May mga major infrastructure na gawa ng mga concessionaires, medyo substandard ang pagtapon nila ng tubig. Ang downspout ay wala sa waterways…diretso lang sa kalsada,” aniya.

Nagbabala siya na maaaring pangalanan ng MMDA ang mga lalabag kung hindi aaksyunan ang mga paglabag. Pinapalakas din ang monitoring gamit ang CCTV at No Contact Apprehension Policy laban sa illegal dumping.

Ayon sa umiiral na ordinansa, maaaring pagmultahin ng P500 hanggang P5,000 ang mga lalabag depende sa uri at dalas ng paglabag. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here