Home METRO Operator, manager ng KTV bar arestado sa pambubugaw

Operator, manager ng KTV bar arestado sa pambubugaw

MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang indibidwal na responsable sa pambubugaw ng mga menor de edad para maging sex worker sa KTV bar sa Concepcion, Tarlac.

Sa ulat ng National Bureau of Investigation – Human Trafficking Division (NBI-HTRAD), inaresto sina Josie Hipolito Quilantang alyas Mommy Sandra at Angelita Quilantang Mallari alyas Ate Angie na nahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022, Qualified Trafficking at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Napag-alaman na ipinagbigay-alam ng Social Service Department ng Muntinlupa City ang kaso kaugnay sa isang ina na humihingi ng tulong upang mahanap ang kanyang 15 taong gulang na anak na babae na umano’y na-recruit bilang sex worker sa KTV Bar na Black Bar Grill na matatagpuan sa Concepcion, Tarlac.

Ayon pa sa NBI, ipinaalam ng kaibigan ng biktima sa ginang na sila ay magkatrabaho at sila ay inaalok ni Mommy Sandra sa mga kostumer kapalit ng serbisyong sekswal.

Pebrero 27, 2024 naman nang bumalik sa kanilang bahay ang biktima at agad na nagtungo sa tanggapan ng NBI-HTRAD kasama ng kanyang ina at social worker mula sa Sagip Center Muntinlupa upang ireport ang illegal na aktibidad na isinasagawa ng mga operator ng bar.

Ayon sa biktima, sumama ito sa kanyang kaibigan na magtrabaho sa bar at kinumpirma na inaalok sila sa mga kostumer kapalit ng pera.

Sinabi rin nito na karamihan sa kanyang katrabaho ay mga menor de edad.

Bunsod nito, isinagawa ang entrapment operation ng mga operatiba ng NBI-HTRAD, NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD), NBI-Violence Against Women and Children (NBI-VAWCD), Sagip ng Muntinlupa, DOJ-NBI-CTIPMC, at sa tulong ng Exodus Road Ph laban sa owners/operators ng bar.

Dito inaresto sina Mallari na manager ng bar na nahuli sa akto na nag-aalok ng menor de edad na kababaihan para sa sexual services.

Sa follow-up operation, naaresto naman si Quilantang na positibong kinilala ng mga biktima na may-ari ng bar at nangangasiwa sa kanila para sa layunin ng sexual exploitation.

Nasagip naman ng mga operatiba ang walong trafficking victims kung saan lima ang menor de edad. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleHindi pinakanta sa videoke, lalaki nanaga ng kapitbahay sa Malabon
Next articleDFA sa hakbang ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc: Not provocative, walang nilabag na int’l law