Home METRO Hindi pinakanta sa videoke, lalaki nanaga ng kapitbahay sa Malabon

Hindi pinakanta sa videoke, lalaki nanaga ng kapitbahay sa Malabon

MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang karpintero nang tagain ang kanyang kapitbahay makaraang magalit ang suspek nang hindi pinagbigyan na kantahin sa videoke ang paborito niyang kanta sa Malabon City.

Lumabas sa imbestigasyon nina P/SSg. Bengie Nalogoc at P/SSg. Michael Oben, kasama ng biktimang si alyas “Michael”, 42, ang kanyang mga kaanak na nag-iinuman at nagkakantahan sa kanilang lugar sa No. 3 White Lily St. Araneta Village, Brgy. Potrero nang dumating ang suspek na si alyas “Reynaldo”, 45, dakong alas-9:30 ng gabi at humirit na kantahin niya ang paborito niyang kanta.

Gayunman, hindi pinagbigyan ng biktima ang hiling ng kapitbahay na naging dahilan upang magalit ito saka umalis at nang bumalik ay may bitbit na ang suspek na isang jungle bolo at agad pinuntiryang tagain sa ulo si ‘Michael’ na nagawa namang makailag.

Nagtatakbo ang biktima at humingi ng tulong kina Dionisio Soriano at Estevan Arevalo, kapwa tanod ng Brgy. Potrero, P/SSg. Emerson Pedrasta at Pat. Jeffrey Baluyan ng Malabon Police Sub-Station 1 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at nakuha sa kanya ang ginamit na itak sa pananaga.

Kasong frustrated murder ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Malabon City Prosecutors Office. Rene Manahan

Previous articlePaggalugad ng China sa Philippine Rise, walang permiso – NSC
Next articleOperator, manager ng KTV bar arestado sa pambubugaw