HOY Katotong JR Reyes totoo bang isang opisyal ng Manila Police District ang sangkot sa ilang iligal na gawain tulad ng paihi o oil pilferage sa gawi ng Tondo at lalong lalo na sa Pier? Ang masaklap pa rito, itong MPD official ay matalik na “buddy-buddy” ng isang elected official ng Manila City Hall.
Itong si MPD official ay dating inimbestigahan na ng National Police Commission dahil sa pagdududa sa pagkakaroon nito ng mga lupa sa bahagi ng Tondo gayung hindi naman ito mula sa mayamang pamilya at umano’y umaasa lang sa sahod niya sa kanyang pagiging pulis.
Sa madaling salita, duda ang NAPOLCOM kung paano siya nagkamal ng yaman gayong hindi naman napakataas ng ranggo nito at siyempre hindi rin kataasan ang sweldo.
Ang bali-balita, itong pulis na ito ay kasosyo sa “paihi” business ng opisyal ng MCH at isinasalya nila ang nakaw na langis sa ilang negosyante na kinaibigan nila kung saan ang transaksyon ay nagaganap sa Pier at ang produkto ay idinideliber ilang metro ang layo sa kanyang tanggapan na malapit sa SM Manila.
Napakalakas ng loob nitong opisyal na ito na balita ko ay dati na ring iniimbestigahan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group ng Philippine National Police dahil sa ilang iligal na gawain.
Eh bakit pala tinigilan ng IMEG ang imbestigasyon sa iligal na gawain ng opisyal na ito? Totoo bang may tumulong sa kanya na mas mataas na opisyal matapos niyang regaluhan?
Ang opisyal na ito ay namayagpag noong panahon ni dating Manila Mayor Honey Lacuna pero namamayagpag muli ngayong nasa pwesto muli si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Ang masaklap, masyadong naging mataas na ang “ere” nitong opisyal na ito na akala niya ay walang katapusan ang kanyang pamamayagpag. Eh, paano kung matulad siya sa kaibigan niyang opisyal na napilitang magretiro matapos mapag-initan ng isang opisyal ng PNP dahil sa madalas na hindi nito pagdalo sa mga conference at meeting sa halip ay abala ito sa pagpopost sa social media ng kanyang gala sa ibang bansa.
Matauhan kaya itong mayabang na opisyal na ito kapag muling ginising ng NAPOLCOM ang kaso nito o kaya naman ay muling magsagawa ng “lifestyle” check laban sa kanya at isama pa ang kanyang pamilya?
Tiyak na manginginig na naman ang tumbong ng opisyal na ito at tiyak na hihingi na naman ng tulong sa ilang politiko. Tingnan natin.






