MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang tanggapan ng DOST-Batangas matapos ang batikos sa paggamit nito ng “trending line” sa Facebook post ukol sa isang lindol.
Ang nasabing post, na nagbigay impormasyon tungkol sa magnitude-5.5 na lindol sa Lubang, Occidental Mindoro, ay naging kontrobersyal dahil sa di-umano’y kaswal na tono nito.
Pinaliwanag ng DOST-Batangas na ang caption tulad ng “Opo, lumindol” ay idinisenyo upang makisabay sa digital na kultura ngunit hindi nito layuning balewalain ang seryosong usapin ng lindol.
Binago nila ang post matapos umani ng 10,000 reaksiyon ang isa at 4,800 naman ang isa pa.
Sa kanilang pahayag, tiniyak ng DOST-Batangas na seryoso nilang tinatrato ang lindol bilang mahalagang usapin at mataas ang paggalang nila sa papel ng PHIVOLCS sa kaligtasan at kaalaman ng publiko. Humingi rin sila ng paumanhin sa anumang hindi pagkakaintindihan at nangakong magiging mas maingat sa kanilang komunikasyon upang mapalakas ang tiwala sa agham at teknolohiya.
Ang lindol, na naramdaman noong Lunes ng gabi, ay tectonic at umabot sa mga lugar tulad ng Bulacan, Bataan, at bahagi ng Muntinlupa City. Santi Celario