Home NATIONWIDE Opong nag-iwan ng P43.7M infra damage, P1.7M agri damage sa Western Visayas

Opong nag-iwan ng P43.7M infra damage, P1.7M agri damage sa Western Visayas

267
0

MANILA, Philippines – Nag-iwan ang Severe Tropical Storm Opong ang tinatayang P43.7 milyong halaga ng pinsala sa imprastruktura, at P1.7 milyong pinsala sa agrikultura sa Western Visayas.

Ayon sa Office of the Civil Defense Region 6 (OCD-6), nasa 162 metric tons ng pananim ang nasira, habang limang tulay at mga flood control structures din ang nagtamo ng pinsala. Tatlo ay mula sa dalawang munisipalidad ng Antique at dalawa sa Iloilo.

Pinakanapuruhan ang Iloilo sa P1.4 milyon o 141.5 metriko tonelada ng pinsala, sinundan ng Guimaras sa P231,836 o 19.4 metric tons, at Antique sa P19,464 o 1.3 metric tons.

Sa kabuuan, mahigit 116 ektarya ng sakahan ang apektado. Pinaka-napinsala naman ang mga taniman ng gulay at palayan.

Samantala, iniulat ng OCD-6 na mayroong 40 tirahan ang napinsala sa rehiyon. Pinakamataas ay mula sa Antique sa 16 napinsalang tirahan, sinundan ng Iloilo sa 15 tirahan, at walo naman mula sa Aklan.

Hanggang nitong Biyernes, umabot na sa 39,086 residente o 10,403 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Opong sa Western Visayas.

Nasa 11,776 indibidwal mula sa 2,923 pamilya ang tumutuloy sa 241 evacuation centers, habang ang 4,469 katao mula sa 1,239 pamilya ay nasa ibang mga lugar naman tumutuloy. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here