Home NATIONWIDE Oportunidad sa young athletes NAS SA BAWAT REGIONAL CAMPUS, ITINULAK NI SEN....

Oportunidad sa young athletes NAS SA BAWAT REGIONAL CAMPUS, ITINULAK NI SEN. GO

MANILA, Philippines – Nais ni Senador Christopher “Bong” Go na magkaroon ng National Academy of Sports (NAS) sa bawat regional campus sa pagsasabing dapat na mailapit ang specialized sports education sa mahihirap na kabataan sa grassroots, partikular sa Visayas at Mindanao.

Sa pagsasalita sa pagdiriwang ng 5th Founding Anniversary ng NAS sa New Clark City, Capas, Tarlac noong Hunyo 19, binigyang-diin ni Go na ang desentralisadong access sa sports-focused education ay maaaring magbigay ng pantay na oportunidad sa mga batang atleta na hindi nakararating sa Metro Manila o Luzon dahil sa kawalan ng pera o logistic.

“Ito naman po sa NAS, under Republic Act No. 11470, the NAS Board shall provide for policies for the organization of future nationally funded high schools for sports,” ani Go.

“We hope to regionalize. ‘Yun po ang isang pangarap ko rin po ngayon, dream ko na someday po na maging regionalized po itong NAS,” dagdag niya.

Ayon sa senador, tinatalakay na ng CHED (Commission on Higher Education), ng DepEd (Department of Education), ng PSC (Philippine Sports Commission) at ng ating Executive Director ang regionalization ng NAS.

“Para ‘yung mga kapatid natin na walang kakayahan na pumunta rito sa Maynila mula Mindanao at Visayas, pwede na silang mag-aral din po roon sa Visayas at Mindanao. Bigyan din po natin sila ng oportunidad,” sabi ni Go.

Bilang chairperson ng Senate committee on sports, muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako na ipagpapatuloy ang inisyatiba sa pamamagitan ng legislatiba at hinikayat niya ang kooperasyon ng mga ahensya ng gobyerno at stakeholder.

Ang panukalang ito ay matagal nang agenda ni Go para itaguyod ang grassroots-oriented sports development.

Mula nang maupo sa pamunuan ng komite noong 2019, tumulong siya sa pagsisimula ng historic era ng Philippine athletics.

Nasungkit ng bansa ang kauna-unahang Olympic gold medal sa 2020 Tokyo Games, na sinundan ng isang hindi pa nagagawang double-gold na tagumpay sa 2024 Paris Olympics—landmark na mga tagumpay sa kasaysayan ng palakasan ng bansa.

Ang papel ni Go sa pagpapaunlad ng sports ay higit pa sa paggawa ng batas. Bilang sponsor ng sports budget sa Senado, naging instrumento siya sa pagpapanatili ng suporta ng gobyerno para sa sektor. Itinulak niya ang rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga kritikal na pasilidad sa palakasan, tulad ng Rizal Memorial Coliseum sa Maynila at Philsports Arena sa Pasig City. Para sa kanya, ang world-class na imprastraktura, kagamitan, nutrisyon, at mental wellness support ay mahalaga sa tagumpay ng atleta. RNT