Home NATIONWIDE 3 hinihinalang ‘fake Pinoys’ arestado ng BI sa Zamboanga del Sur

3 hinihinalang ‘fake Pinoys’ arestado ng BI sa Zamboanga del Sur

MANILA, Philippines – Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan na nagpapanggap na Filipino sa Zamboanga del Sur, kasabay ng serye ng inspeksyon na isinagawa ng ahensya sa lugar.

Isa sa mga naaresto ay sangkot pa sa charcoal business, ngunit sa inspeksyon ng BI at Philippine Army, napag-alaman na ang dokumento nito ay hindi tugma sa kanyang pagkakakilanlan.

“Nagpakita sila ng government-issued IDs, tulad ng driver’s license,” sinabi ni BI deputy spokesperson Melvin Mabulac.

“Nagpunta din ang ating tauhan sa isang shopping center na kung saan ang manager doon ay nagpapanggap na Pilipino. Eventually when we checked, siya ay isang Chinese national kasama ang nagbabantay,” dagdag pa niya.

Dalawa sa mga ito ay may dalang Philippine driver’s license na nagpapakitang sila ay Filipino.

Dinala na sa detention center sa Taguig ang tatlong indibidwal.

Ani Mabulac, iniimbestigahan na nila kung paano nakakuha ng mga ID ang mga ito.

“Nakakabahala ito considering na they can be considered a threat to our national security. Yun ang ating pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya. Napakaimportante para malaman kung sino ang mga taong nasa likod nito para magkaroon ng mga ganoong klaseng ID’s,” anang opisyal.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang malaman kung paano nakakuha ng government-issued documents ang mga dayuhan “to pretend they are Filipinos.”

Nagbabala si Mabulac na ang mga dokumentong ito ay maaaring magamit sa krimen.

“Sila ay nandoon pala sa pag-eespiya, yan ang kinakatakutan natin, na yun ay gamitin sa pag-eespiya sa ating bansa.”

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa National Intelligence Coordinating Agency, the Armed Forces, at iba pang ahensya. RNT/JGC