MANILA, Philippines – Hindi na palalawigin pa ng pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) ang oras ng pagpasok sa sementeryo ngayong Undas 2025.
Sa panayam kay MNC Director Dandan Tan, sinabi na kailangan mahigpit na ipatupad ang oras ng pagsasara na alas 9 ng gabi.
Aniya noong nakaraang buwan nag aabiso ang pamunuan ng MNC kaya dapat aniyang batid ito ng publiko.
Pagdating naman sa mga nakukumpiskang ipinagbabawal na bagay sa pagpasok ng sementeryo, sinabi ni Tan na maaring naging aral na sa kanila ang mga nagdaang paggunita ng Undas kung saan kinukumpiska talaga ang mga ito.
Muli ding nagpaalala si Tan sa publiko na huwag nang piliting magdala pa ng mga alagang hayop dahil hindi ito pinahihintulutan na makapasok sa loob ng sementeryo.
Ayon kay Tan, asahan na ang pagbuhos ng mga bibisita sa MNC kaya naman pinayuhan ang mga magulang na may dalang mga bata na hawakan at iparehistro para sa tagging.
Tulad aniya kaninang umaga ay mayroong isang batang nawalay sa kasamahan ngunit dahil may tagging ay agad ding nakuha ng magulang makalipas ang 20 minuto. Jocelyn Tabangcura-Domenden