Home NATIONWIDE Ordinansa vs human reserve sa parking lots ikakasa ng MMC

Ordinansa vs human reserve sa parking lots ikakasa ng MMC

MANILA, Philippines – Target ng Metro Manila Council (MMC) na lumikha ng ordinansang magpaparusa sa mga taong nakatayo sa mga parking slot para ireserba sila sa National Capital Region (NCR), sinabi ng isang opisyal nitong Huwebes.

“As soon as possible, aaralin lang namin mabuti (We will do it as soon as possible, we are just studying it thoroughly),” pahayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Romando Artes sa isang press conference pagkatapos ng pulong ng MMC.

Inaasahang magpapasa ng unipormeng ordinansa ang 17 local government units (LGUs) sa Metro Manila sa pagbabawal at pagpaparusa sa mga taong nagpapareserba ng mga parking slot, ayon kay Artes.

“Magco-coordinate tayo sa mga may-ari ng mga malls at yung mga private parking para ma-institutionalize din ito at mapagbabawalan. Kasi kalimitan doon din nag-aagawan sa mga private parking,” ani Artes.

Sinabi ni Artes na nagkaroon ng ideya ang MMC matapos makatanggap ng mga ulat ng mga marahas na insidente dahil sa away sa mga paradahan.

Binanggit ng MMDA chairperson ang isang naka-post na video mula sa ibang bansa kung saan nasagasaan ng isang motorista ang isang taong nakatayo sa isang parking slot para i-reserve ito at ang mga tao sa comment section ay natuwa sa insidente.

Maliban dito, binanggit din niya ang isang video na nagpapakitang may nagtutulak na nakatayo sa isang parking lot sa isang sementeryo sa Metro Manila. RNT