MANILA, Philippines – Apat ang nasawi, kabilang ang isang menor de edad, habang nasa isang dosena naman ang nasugatan matapos tumagilid ang isang jeep na lulan ang magkakamag-anak sa Barangay Fortuna, Socorro, Oriental Mindoro, Linggo ng umaga pasado alas-11.
Ayon kay PMaj. John Saguid, hepe ng Socorro Municipal Police Station, sakay ng jeep ang 20 magkakamag-anak na mula sa bayan ng Gloria at patungo sana sa Fortuna River para mag-swimming.
Batay sa imbestigasyon, umano’y pumalya ang preno ng sasakyan habang binabagtas ang palusong at pakurbadang barangay road. Dahil dito, minabuti ng drayber na ibangga ang jeep sa isang puno ng mangga upang maiwasang mahulog sa bangin.
Sa lakas ng pagbangga, tumagilid ang jeep at naipit ang ilang pasahero. Kabilang din sa mga nasugatan ang drayber.
Ginagamot ngayon sa Grace Mission Hospital ang mga sugatan. Mary Anne Sapico