MANILA, Philippines – Nakipagpulong na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang bagong legal counsel na pinili nina Veronica “Kitty” Duterte at common-law wife na si Cielito “Honeylet” Avanceña, kasunod ng pag-atras ng kanyang dating mga abogado, ayon sa defense lawyer na si Nicholas Kaufman.
Sa pahayag kay ABS-CBN News, kinumpirma ni Kaufman na hindi siya tumutol sa kahilingan ng Registry of the Court para sa acquaintance visit ng bagong counsel ng dating pangulo.
Ibinunyag din ni Kaufman na sina Kitty Duterte at Avanceña ang pumili ng kapalit niyang abogado. Ayon sa kanya, ipinaalam sa kanya na napagkasunduan na ang terms of engagement ng bagong counsel kaya’t humiling na siya ng pahintulot kay Duterte na umatras sa kaso.
“Veronica informed me that she and her mother Honeylet had selected new counsel for PRRD and advised me to step down based on their assurance that they had agreed terms of engagement with replacement counsel who was willing to assume immediate representation. After I confirmed the same with the replacement counsel, I sought the former President’s permission to withdraw.”
Wala pang inilalabas na pagkakakilanlan ang kampo ni Duterte hinggil sa bagong abogado.
Una nang naghain ng mosyon si Kaufman para umatras sa kaso, na binanggit ang pagtatapos ng kanyang isang taong engagement at ang muling pag-aayos ng legal team ng dating pangulo bago ang paglilitis. Ayon sa kanya, inaasahang dadalo ang bagong counsel sa status conference sa Mayo 27, 2026.
Pinayagan ding umatras sa depensa ni Duterte si Associate Counsel Dov Jacobs. RNT