MAY ISA na namang magandang panukala si House Public Works Committee chair, Rep. Romeo Momo ng Surigao del Norte—ang “overhaul” ng PD 1899 o ang ‘National Building Code.’
Sa asinta ng mga miron, sadyang napapanahon ang panukala dahil ginawa ang PD 1099 noong pang 1977 o higit 48 taon na ngayon at sadyang hindi na tumtutugon sa mga hamon ng ating makabagong panahon, kasama na ang problema sa ‘Climate Change,’ mga pagbaha at sa mga nararanasan natin ngayon, ang sunod-sunod na mga paglindol.
Isang certified civil engineer si Momo, dalawang beses naging tagapangulo ng ‘PICE’ (Philippine Institute of Civil Engineers) at naging Undersecretary for Operations sa Department of Public Works and Highways kaya alam niya ang kanyang mga sinasabi at magiging epekto ng kanyang mga panukala.
Para sa kanya at para sa kaligtasan nating lahat, dapat gawing ‘mandatory’ ang inspeksyon ng LAHAT ng mga gusali at pasilidad ’15 years old and above,’ isa sa mahalagang probisyon ng HB 1481 o ang ‘New Philippine Building Act.’
Sa ating programang ‘Prangkahan’ sa FlashTV (tuwing Huwebes, 4:00 pm), isa sa ating tinalakay sa kanya eh, “paano ang gastos?” Dangan nga kasi, sa usapin pa lang ng building permit sa mga Local Government Unit, marami nang hokus-pokus para lang “makatipid” ang may ari o kontraktor ng isang gusali.
Eh, paano kung sa ‘mandatory safety inspection’ ng batas ni Momo? Dito mabisto ang mga nangyaring katarantaduhan kaya mahina o delikado ang isang istruktura.
Kaya naman, payag ang mambatatas sa ating panukala na magkaroon ng ‘financial window’ sa batas na tutulong sa mga may-ari ng gusali na makapangutang ng panggastos, ayos!
Ang HB 1481ay bukod sa HB 2654 o ang ‘Philippine Infrastructure Program’ na matagal nang sinasabi ni Momo na isang “solusyon” upang matigil na ang korapsyon sa mga ‘infra’ dahil gagawin nitong ‘politics-free’ ang anomang nasimulang proyekto.
Aniya pa, ang HB 2654 ay pangmatagalang solusyon dahil ilalatag nito ang mga programa sa mga pagawaing bayan sa susunod na 30 taon.
Para naman sa mga abusadong kontraktor, inihain na rin ni Momo ang HB 2799 bilang amyenda sa ‘Contractors Licensing Law.’
Harinawang maisabatas ang mga panukalang ito ng congressman mula sa Mindanao dahil sadyang malaki ang ating pakinabang.
Abangan!






