Home METRO Overstaying Chinese nat’l naharang sa NAIA

Overstaying Chinese nat’l naharang sa NAIA

MANILA, Philippines- Muling iginiit ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na mahigpit nilang ipinatutupad ang “one-strike policy” laban sa mapapatunayang tiwaling opisyal ng kanilang ahensya.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Viado makaraang maharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese national na napag-alamang overstaying ngunit natatakan ng opisyal ng BI ang kanyang pasaporte.

Batay sa ulat mula sa immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ng BI, hinarang si Zhang Chao, 31, sa NAIA Terminal 1 noong Pebrero 24.

Nauna rito, sinubukan ng nasabing dayuhan na sumakay ng Malaysian Airways flight papuntang Kuala Lumpur.

Napag-alamang nag-overstay si Zhang ng dalawang buwan, ngunit tinangka nitong ilegal na dumaan sa imigrasyon.

Gayunman, nagsagawa ng redundancy check ang mga opisyal ng BI I-PROBES at nakitang overstaying si Zhang mula noong Disyembre 2024.

“He was found to have been processed by an immigration officer who we suspect facilitated his illegal departure,” ani Viado.

Ibinahagi ni Viado na ang pasaporte ni Zhang ay minarkahan ng isang opisyal sa kabila ng hindi niya maayos na pagpapalawig ng kanyang visa.

“We have initiated an investigation on this matter, and will recommend to the Department of Justice to file the appropriate case against the said officer,” giit ni Viado.

Muling iginiit ni Viado na nagpapatupad siya ng ‘one-strike policy’ at hindi magdadalawang-isip na itulak ang mga kaso laban sa mga maling opisyal.

Si Zhang ay itinurn-over sa Legal division ng BI para sa booking at pagsisimula ng mga paglilitis sa deportasyon. Mananatili siya sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin ang kanyang deportasyon. JR Reyes