MANILA, Philippines- Inihirit ng teachers’ group nitong Martes sa Commission on Elections (Comelec) ang overtime pay para sa mga gurong magsisilbing poll workers para sa Eleksyon 2025.
Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga miyembro ng Alliance of Concerned (ACT) Teachers sa harap ng Comelec office sa Intramuros, Manila, kung saan isinulong nila ang karagdagang honoraria sa mga gurong magsisilbing miyembro ng election registration board (ERB) sa Election Day, Lunes, May 12.
Sinabi ng ACT-Teachers na posibleng magtrabaho nang matagal ang ERB members dahil sa early voting period para sa senior citizens, mga buntis, at persons with disabilities (PWDs).
Papayagan sa early voting hours policy ang eligible voters sa buong bansa na bumoto sa pagitan ng alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng umaga.
Ang regular voting hours naman ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
“Kung 5 a.m. magsisimula at 7 p.m. matatapos, alam naman natin na alas-dos [nang madaling araw] nasa presinto na. Ibig sabihin, mahigit 24 hours. Sa batas sinasabi na kapag nagtrabaho ka ng tatlo pang oras, dapat may overtime pay eh,” pahayag ni ACT Teachers National Chairperson Vladimir Quetua.
Nakatakdang makakuha ang mga gurong magsisilbing poll workers ng karagdagang P2,000 honoraria para sa darating na eleksyon. Dahil dito, papalo ang matatanggap ng ERB members sa P10,000 at chairpersons sa P12,000.
Subalit, sinabi ni Quetua na ang honoraria ay nananatiling may buwis, kung saan mababawasan ng halos P1,800 ang take home pay.
“Malaki ‘yun. Kung iko-compute sa gastusin, 35 kilos na bigas at kung nagmo-motor ka, isang buwan na gas ‘yan,” dagdag niya. RNT/SA