Home OPINION OXYGEN DEFICIENCY, NAKAMAMATAY

OXYGEN DEFICIENCY, NAKAMAMATAY

NAPAKAHALAGA ng oxygen sa ating katawan. Sa bawat paghinga ng isang tao sa pamamagitan ng respiratory system, binubuhay nito ang mga cell para gumana ng normal ang iba pang bahagi ng katawan habang inilalabas naman ang carbon dioxide na hindi natin kailangan. Mabuti na lamang at nagtataglay ang normal na hangin ng 78% nitrogen, 21% oxygen at 1% naman para sa iba’t-ibang uri ng gas. Sa ganitong bilang, sapat ang oxygen para tayo mabuhay. Pero ano nga ba ang mangyayari kapag kinulang tayo sa kinakailangang oxygen sa katawan?

Kapag bumaba ang level ng oxygen sa 19%, maaari ka nang makaramdam ng hindi normal na paghinga. Sa patuloy na pagbaba nito sa 10%, maaaring maranasan ang paninikip ng dibdib at pagiging kulay asul ng mga labi. Nakamamatay naman ang mas mababa sa 6% sa loob lamang ng walong minuto at 4% pababa sa 40 segundo ng exposure.

Ganito marahil ang nangyari sa napabalitang pagkamatay ng dalawang bata sa loob ng isang kotse dahil diumano sa kagagawan ng oxygen deficiency sa Angeles, Pampanga. Sa kabila nito, may hinala ang pamilya sa iba pang posibilidad ng kamatayan kaya nila ito ipapa-awtopsiya. Nangyari din ang kahalintulad na insidente na ikinasawi ng tatlong paslit sa Orion, Bataan noong 2019.

Tatlong manggagawa naman ng isang construction firm ang namatay kamakailan dahil sa suffocation o asphyxia ng pumasok sila sa isang 14 meter na lalim ng isang manhole sa Quezon City.

Ipinapaabot po natin ang mataimtim na pagdadalamhati para sa kaanak ng mga nasawi.

Bilang solusyon at para hindi na maulit ang mga insidente partikular sa mga biktimang paslit, kinakailangang talasan ng mga magulang ang pagbabantay sa kanilang mga anak. Para sa mga may-ari ng sasakyan, siguraduhing laging nakasara, nakakandado ang mga pinto at bintana upang hindi makapasok ang sinoman lalo na ang naglalarong mga bata.

Work permit na may kalakip na confined space entry, electrical isolation, mechanical isolation certificates, tool box talk meeting, awareness training at iba pa bago pumasok ang sinoman sa isang manhole.

Kung wala ang mga ganitong pag-iingat, maaaring maulit muli ang nakamamatay na pangyayari o trahedya.