Home METRO P.3M tobats nasamsam sa Kyusi

P.3M tobats nasamsam sa Kyusi

MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang kabuuang P380,000 halaga ng shabu mula sa apat na drug peddler sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City.

Arestado ng mga operatiba ng QCPD Drug Enforcement Unit (QCPD-DEU) ang dalawang drug suspect na kinilalang sina Erick Josef, 41, residente ng Barangay Pinyahan, Quezon City, at Reynaldo, 63, ng Baliuag, Bulacan sa Mabilis St., Barangay Pinyahan, Quezon City sa bandang 11:50 p.m. noong Lunes, Mayo 6.

Naglunsad ng entrapment ang mga operatiba ng DDEU laban sa dalawang suspek matapos ang isang concerned citizen na mag-tip ng kanilang pagbebenta ng iligal na droga.

Nakumpiska sa kanila ang 26 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P176,800, isang cellular phone, at ang buy-bust money.

Samantala, nadakip ng mga operatiba ng Fairview Police Station (PS 5) sina Jayson, 29, at Mark Anthony, 31, sa buy-bust sa Valiant St. sa Barangay Greater Fairview, Quezon City dakong alas-2:55 ng hapon. noong Linggo, Mayo 5, base din sa tip ng isang concern citizen.

Matagumpay na nakabili ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis, na nagpanggap bilang poseur-buyer, sa mga suspek.

Nakumpiska sa kanila ng mga pulis ang 30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P204,000, dalawang itim na pouch, dalawang cellular phone, at ang buy-bust money.

Mahaharap ang mga nahuling suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sabi ng pulisya. Santi Celario