MANILA, Philippines – Dalawang high value individuals (HVI) at isang street level individual (SLI) ang nasakote ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) sa ikinasang buy-bust operation kung saan nakumpiskahan ang mga ito ng ₱680,000 halaga ng shabu sa Pasay City Miyerkules ng madaling araw, Pebrero 12.
Kinilala ni SPD director PBGEN Manuel J. Abrugena ang mga nadakip na suspects na sina alyas Kosa, 18, estudyante, ng Barangay 183 Villamor, Pasay City; alyas Christian, at alyas Ryan, kapwa 27-taong-gulang at mga walang trabaho, pawang residente ng Barangay Talon 1, Las Piñas City.
Ayon sa report na natanggap ni Abrugena, naganap ang pagdakip sa mga suspects dakong alas 3:50 ng madaling araw sa kahabaan ng Andrews Avenue, Barangay 185, Pasay City.
Sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng DDEU sa pakikipagtulungan ng District Intelligence Division (DID) ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang dalawang medium size plastic sachets na naglalaman ng 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱680,000 at ang ₱1,000 buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic unit para sumailalim sa chemical analysis.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU ang mga suspects na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“This successful operation is a testament to our firm resolve in eradicating illegal drugs and holding perpetrators accountable. The SPD remains steadfast in its mission to safeguard our communities and protect the future of our youth from the dangers of substance abuse,” ani Abrugena. (James I. Catapusan)