AMULUNG, Cagayan – Halos P700,000 halaga ng iligal na paputok na lulan ng isang closed van ang nasabat sa police checkpoint sa Brgy. Estafania, Amulung, Cagayan.
Ayon kay PMAJ Jose Cabaddu, Jr., hepe ng PNP-Amulung, pasado alas-10:00 ng umaga nang maharang sa checkpoint ang puting Isuzu closed van.
Sa pag-usisa ng mga otoridad kaugnay sa ipinakitang dokumento ng driver at dalawang helper, na pawang mga residente ng Isabela, ay nakitang hindi akma ang resibo sa aktwal na laman ng naturang van.
Dagdag pa ni Cabaddu, hindi rin aniya otorisado ang consignee na magbiyahe ng mga paputok mula Santiago City, Isabela, patungong Amulung, Cagayan.
Kabilang sa mga nakumpiska ng pulisya na iba’t ibang uri ng pyrotechnics ay ang judas belt, kwitis, lusis, at iba pa.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 7183, o mas kilala bilang “Firecracker Law.” Rey Velasco