Home METRO P.7M pekeng produktok, nasabat sa bodega sa Cavite

P.7M pekeng produktok, nasabat sa bodega sa Cavite

1
0

MANILA, Philippines – NABISTO ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Philippine Coast Guard (PCG), ang tinatayang ₱700 milyong halaga ng hinihinalang pekeng imported na sapatos sa isinagawang inspeksyon sa isang bodega sa Imus City, Cavite.

Isinagawa ang operasyon noong Agosto 3 matapos makatanggap ng intelligence report mula sa CIDG-Cavite Provincial Field Unit hinggil sa umano’y pag-iimbak ng mga imported na produkto na posibleng lumalabag sa customs at intellectual property laws.

Dahil dito, agad na nagpalabas ang BOC ng Letter of Authority (LOA) at bumuo ng composite enforcement team upang inspeksyunin ang naturang bodega.

Kabilang sa mga lumahok sa operasyon ang mga tauhan ng Intellectual Property Rights Division (IPRD), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Port of Batangas, Port of Manila at MICP, Enforcement and Security Service (ESS), Legal Service, gayundin ang mga kinatawan ng CIDG-Cavite, PNP Imus Component City Police Station at Philippine Coast Guard.

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang napakaraming pares ng sapatos na may mga tatak na Adidas, On Cloud, New Balance, Asics, Crocs, Nike, Jordan, Puma, Converse, Skechers at Louis Vuitton (LV) na pinaniniwalaang counterfeit o peke.

Batay sa paunang imbentaryo at pagtataya ng BOC, umaabot sa humigit-kumulang ₱700 milyon ang halaga ng mga nasabing produkto.

Pinuri naman ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang CIDG at iba pang partner agencies sa maagap na pagbibigay ng impormasyon at mahusay na koordinasyon na naging susi sa matagumpay na operasyon.

Ayon kay Nepomuceno, mahalaga ang matibay na ugnayan ng iba’t ibang ahensya upang mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng mga ilegal na produkto sa merkado, maprotektahan ang mga mamimiling Pilipino at matiyak ang patas na kompetisyon para sa mga lehitimong negosyo. (Jay Reyes)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here