MANILA, Philippines – Sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City police ay nadakip ang dalawang suspects na nakuhanan ng P693,600 halaga ng shabu Lunes ng gabi, Marso 31.
Kinilala ni Makati City police chief P/Col. Jen I. Dela Torre ang mga nadakip na suspects na sina alyas Haydo, 37, ng Ponte Street at alyas Raprap, 37, residente ng Aranda Street, pawang mga nasasakupan ng Barangay Tejeors, Makati City.
Sa report na isinumite ni Dela Torre kay Southern Police District (SPD) director PBGen Manuel Abrugena, naganap ang pag-aresto sa mga suspects bandang alas 11:04 ng gabi sa Aranda Street, Barangay Tejeros, Makati City.
Sinabi ni Abrugena na sa isinagawang oprasyon ay nakuha sa posesyon ni alyas Haydo ang dalawang knot-tied transparent plastic sachets at kay alyas Raprap naman ay isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng kabuuang 102 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P693,600.
Ayon pa kay Abrugena, bukod sa nakumpiskang shabu ay nakuha din sa posesyon ng mga suspects ang isang cellular phone, itim na pouch, P1,000 buy-bust money at ang 79 piraso ng tig-P1,000 boodle money na ginamit sa operasyon.
Dinala ang mga suspects sa Makati City General Hospital para sumailalim sa medical at physical examination habang ang nakumpiskang ilegal na droga na gagawing ebidensya laban sa mga ito ay dinalanaman sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa laboratory analysis.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SDEU ang mga suspects na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Makati City Prosecutor’s Office.
“Our law enforcement officers remain resolute in their mission to rid our communities of illegal drugs. This successful operation is a testament to our relentless efforts in keeping Makati City safe. We urge the public to continue supporting our initiatives in ensuring a drug-free society,” ani Abrugena. James I. Catapusan