DAVAO CITY – Arestado ang dalawang suspek at nasamsam ang P818,720 na halaga ng hinihinalang shabu sa Sirawan checkpoint noong Lunes, ayon sa Police Regional Office sa Davao Region (PRO-11).
Ayon kay PRO-11 Director Brig. Gen. Leon Victor Rosete, ang sasakyan ng mga suspek ay hinarang para sa inspeksyon at isa sa mga opisyal ang nakakita ng isang maliit na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Kabuuang walong piraso ng square-shaped, heat-sealed na transparent plastic sachets ang nasamsam mula sa mga suspek, na dinala sa Toril Police Station.
Pinuri ni Rosete ang pagiging maingat ng mga naka-duty na personnel, lalo na ang nakakita ng substance. Idinagdag niya na ang matagumpay na operasyon ay nagpapatunay ng tuluy-tuloy na kampanya ng PRO-11 laban sa droga, sa koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensya ng batas. RNT