ILOILO CITY – Nasamsam noong Sabado ng mga awtoridad ang P1.1 milyong halaga ng pekeng sigarilyo at inaresto ang isang lokal na mangangalakal dito dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Armado ng search warrant na inisyu ng Regional Trial Court 6 Branch 39, ininspeksyon ng mga ahente sa pangunguna ng intelligence unit ng Iloilo City Police Office ang bahay ng isang 57-anyos na negosyante sa Sitio Kawayanan, Barangay Tabuc Suba, La Paz dakong alas-5: 30 a.m.
Nasamsam ang iba’t ibang volume ng Mighty Green, Camel, Marvel green at red, at Winston red cigarettes.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Iloilo City Police Station 2, habang ang mga narekober ay nasa exhibit custodian ng City Intelligence Unit.
Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Sections 155 (infringement), 168 (unfair competition) in relation to 169 (false designation of origin, false description or representation), at 170 (cancellation of design registration) ng RA 8293. Santi Celario