Home METRO P1.2M gadgets tinangay ng mga kawatan!

P1.2M gadgets tinangay ng mga kawatan!

MANILA, Philippines- Nahagip sa closed circuit television (CCTV) footage ang pagnanakaw ng gadgets sa isang tindahan sa Lemery, Batangas nagkakahalaga ng mahigit P1.2 milyon.

Makikita sa CCTV footage ang pagpasok ng apat na lalaki sa isang gadget store.

Isa sa kanila ang dumiretso sa counter na tila may hinahanap. Isinilid naman ng isa pang lalaki, may dalang container, ang mga cellphone at iba pang gadgets doon, habang tinangka ng isa pang buksan ang isang cabinet.

Makalipas ang ilang minuto, dalawang lalaki pa ang pumasok.

Sinabi ng mga pulis na gumamit ang mga suspek ng bolt cutters upang sirain ang padlock ng roll-up door ng tindahan.

Binanggit din ng mga awtoridad na mayroong lookout sakay ng isang motorsiklo.

Base sa ulat, dating delivery person ang isa sa mga suspek.

“Siya ay dati nag-deliver one-time, tsaka may complete name and address siya doon sa app na naka-save pa rin sa kaniya,” pahayag ni PLTCOL. Ronie Siriban, Office in Charge ng Lemery Police Station.

Tumakas umano ang mga suspek sa direksyon patungong Tagaytay.

“For sure they are not from Lemery, mga dayo sila dahil paglabas nila, pagtangay ng mga gadgets like laptops and cellphones. Umalis po sila… paakyat po ng Tagaytay area ang punta nila palabas,” ani Siriban.

Naghain na ng robbery complaint laban sa mga suspek.

Pinaalalahanan ng mga pulis ang publiko na mag-ingat at huwag agad magtiwala.

“Mag-ingat po sa mga ganyan na mga nagde-deliver lang sa store. Huwag magtiwala sa ganoon, maging aware sa lahat ng ganiyang bagay and makakatulong talaga ang installation ng CCTV sa ganiyang mga establishment,” wika ni Siriban. RNT/SA