Home METRO P1.2M pekeng seasoning, isinuko sa CIDG sa Bacolod

P1.2M pekeng seasoning, isinuko sa CIDG sa Bacolod

1
0

BACOLOD, Philippines – Isinuko sa mga awtoridad sa Bacolod City ang 125 sako ng pekeng seasoning na nagkakahalaga ng ₱1.2 milyon matapos itong iwan sa isang courier o forwarding company.

Ayon kay CIDG-Bacolod chief Police Major Christopher Dulagan, ang mga produkto ay ipinadala mula Maynila at nakapangalan sa isang consignee na tinukoy lamang bilang alias “Choey.”

Una umanong pumayag ang consignee na kunin ang kargamento, ngunit tumigil ito sa pakikipag-ugnayan matapos ang CIDG entrapment operation noong Agosto 5.

Sa naturang operasyon, naaresto ang isang matandang Chinese national at isang Filipina reseller, at nakumpiska ang ₱470,000 halaga ng kaparehong pekeng produkto sa Barangay Mansilingan.

Kinumpirma ng mga awtoridad, sa tulong ng kinatawan ng lehitimong kumpanya, na pekeng produkto ang mga isinukong seasoning. Ito ay paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng consignee at maisampa ang kaukulang kaso.

Pinaniniwalaan ding ang supplier, na umano’y Chinese national, ang nasa likod ng pamamahagi ng mga katulad na pekeng produkto sa Bacolod at iba pang lugar sa Negros Occidental, kabilang ang mga kamakailang nakumpiska sa La Castellana.

Naisampa na ang kasong kriminal laban sa dalawang naarestong suspek, habang nagpapatuloy ang pagbabantay sa ilegal na distribusyon ng mga pekeng produkto. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here