MANILA, Philippines- Naaresto ng mga awtoridad ang limang indibidwal, kabilang ang isang high-value drug pusher, sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operations sa Rizal,at nasabat ang P1,230,800 halaga ng shabu at baril.
Sa Antipolo City, nagresulta ang isinagawang buy-bust operation noong Miyerkules sa pagkakaaresto sa isang nagngangalang “John,” 28, tinukoy na high-value individual (HVI). Nahuli siya sa aktong pagbebenta ng ilegal na droga, kung saan nasabat ang mahigit 128 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P870,400.
Nakumpiska rin ng mga pulis ang 9mm pistol, isang magazine, apat na live ammunition, dalawang piraso ng P1,000 bills, at itim na sling bag.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Antipolo PNP ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at illegal possession of firearms and ammunition.
Samantala, apat pang drug suspects ang nahuli sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Taytay Municipal Police Station sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay San Juan, Taytay, noong Jan. 28.
Kinilala ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) ang mga suspek na sina “Ake,” 30; “Dale,” 38; “Kambal,” 48; at “Benjie,” 50.
Narekober sa operasyon ang anim na pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na tinatayang 53 gramo, nagkakahalaga ng P360,400. Nakumpiska rin ang .45 caliber Remington pistol, isang magazine, limang live rounds, isang shoulder bag, at P1,500 na buy-bust money.
Kasalukuyang nakaditine ang mga suspek sa Taytay Custodial Facility at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 at R.A. 10591 o ang Firearms Law, in relation to Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code of the Philippines). RNT/SA